Sunday, September 4, 2011

Mga Kwentong Walang Saplot.

Agosto 6, 1995

Para Sayo.

Interior.

Ni minsan, hindi ko inabala ang sarili kong alamin kung ano ang kahulugan ng kaligayahan. Ni hindi ko rin tinangkang hanapin dito sa maliit kong kwarto kung saan nagtatago ang ligaya. Patuloy lang ako sa pag-ikot sa kama. Naghahanap ng tamang posisyon sa lahat ng bagay. Nakatunganga.

Bakit kaya kailangan ng tao ang tumunganga minsan tulad ng ginagawa ko ngayon? Wala namang napapala sa pagtunganga. Sa katunayan, nag-uubos ka lang ng oras sa walang kapararakang bagay. Pero sabi nila, sa pagtunganga lang daw nagiging malaya ang tao. Malayang nakapag-iisip sa mga bagay bagay. Teka, ano nga ba ang iniisip ng mga tao habang sila ay nakatunganga? Posibleng, kung mahal ba sila ng taong mahal nila? Kung may nakakaalala ba sa kanila? Kung mananalo ba sila sa lotto? Kung matatanggap ba sila sa trabaho? Kung papasa ba sila sa exam? O kung maliligo ba sila ngayong araw?

Malakas ang buhos ng ulan. Hindi nakapagtatakang mahirap bumangon, masama sa loob ang kumilos at nakakatamad maligo. Ito yung mga panahong gusto ko lang na nasa kwarto habang nagbabasa o kaya naman ay gumuguhit at paminsan minsan ay tumunganga sa may bintana. Tumagal din ng halos isang oras ang kalokohan ko sa kwarto ko bago ako nakakilos at nakabangon sa pagkakahiga.

8:05 ng umaga. Agosto 6, 1995. Linggo.

Putek! Ika-anim pala ng Agosto ngayon? Paanong nangyaring nakalimutan ko ang araw na ito.


Dali-dali akong lumabas ng aking kwarto. Pero bago pa man ako tuluyang nakahakbang palabas, nakita ko ang mga salitang sinulat ko sa likod ng aking pintuan.
"Isa lang naman talaga ang kinakatakot ko kaya ayaw kong malaman ang kahulugan ng kaligayahan, iyon ay ang malaman na nalulungkot na pala ako."
Sumulat,
--------

No comments:

Post a Comment