Tuesday, June 28, 2011

Gaya gaya, puto maya.

Nakakawindang na tunay kung paanong ang mga tao ay pilit na ibinibilang ang sarili nila sa karamihan. Siguro nga para mabilis silang makilala kasi "they belong" ang drama nila sa buhay. Hindi naman sa sinasabi kong bawal ang gawain iyon, sa katunayan, palasak na ang ganung eksena dito sa kamaynilaan.

May mga taong pilit na magpapaputi para lang masabi na kasama sila sa trend ng mga tinaguriang mga pekeng anak araw. Yung tipong makikisabay sa pagbili ng mga kapsulang pampaputi, makikipag-unahan sa pagpunta sa mga suking klinika para magpaturok ng kung ano, makikipagsiksikan sa mga shopping market para masungkit ang iba't ibang sabon, pamahid sa katawan, mukha, paa at kung ano ano pang produktong sinasamba na nagpapangako na puputi ang sinumang gagamit nito sa loob lamang ng pitong araw.

May mga taong pilit na magsusuot ng mga mamahaling bagay kahit hindi naman bagay sa mukha masabi lang na "I'm a trendsetter." Kung anong uso, syang suot. Nandyan ang mga hapit na damit na kinahuhumalingan ng mga kalalakihan para lang maisambulat sa publiko kung gaano kalaki ang kanilang mga masels kesa sa kanilang mga utak. Mga hapit na damit na kahit mamasa na ang kili-kili eh ayos lang basta bumakat lang ang kanilang mga dibdib at utong. Nandyan ang mga maluluwag na damit para sa mga kababaihan na kahit makitaan na ng hinaharap eh ayos lang. Meron din naman na naglalakas loob na magsuot ng mga sosobrang ikling damit at shorts na kahit na sandamakmak na ng limang pisong peklat sa tuhod hanggang paa. Mapalalaki o babae eh hilig na hilig sa mga makukulay na damit na kahit na magmukha silang naglalakad na Christmas Lights eh ayos lang. Idagdag mo pa ang sari saring dekorasyon na inilalagay sa katawan na pinagmumukhaan tuloy silang Christmas Tree. Basta masunod lang sa uso kahit buwis puri, okay lang.


May mga taong pilit na bumibili ng mga latest na gadgets masabi lang na "I'm techy, you know!" kahit na sa kaloob looban ng damdamin nila eh naiiyak na sila dahil kapalit nuon ang pangkain nya sa loob ng isang taon at ang katotohanang pag-uwi sa bahay eh hindi alam gamitin at kung para saan ang biniling gadget.

May mga taong pilit na ginugustong magkaroon ng SLR. Passion daw kuno. First love at kung ano-ano pang drama masabi lang na "I'm a photographer" kahit na ang totoo hindi nya alam kung ano ang ibig sabihin ng SLR. Wapakels ang mga tao dyan. Basta maisukbit lang nya sa leeg nya ang kamera, uso na. Dedma kung ano ang ibig sabihin ng mga settings sa kamera basta pindot dito pindot duon. Presto!

May mga taong pilit na gugustuhin makasta agad. Ang siste, napaglipasan ka na daw ng panahon kapag bago ka dumating sa legal na edad eh hindi ka pa nakakatikim ng langit na bumaba sa lupa. Landi dito, landi duon. Makalasap lang ng kaunting sarap. Sabagay, kapag wala ka nga namang karanasan eh O.P ka na sa usapang sa inuman. Wala kang maibibida sa mga tropa mong titi lang ang inaalagaan at sa mga sister mong kire lang ang puhunan. Mas maraming karanasan, mas bida. Mas maraming naikama, mas lalaking tingnan.

May mga taong pilit bibili ng mga libro dahil ito daw ang uso. Nerdy nerdy na may pagka-geeky geeky daw ang datingan mas pasok sa spotlight. Hindi magkanda-ugaga ang ilang mga tao sa pagtambay sa mga bookstore para lang magbasa ng libro o at least magpanggap man lang. Salampak dun at basa dito kahit na kitang kita naman sa mukha na hindi maintindihan ang binabasa at halatang nakakatulog na. Sabi ng isang Radio Jockey, meron prop ang lahat ng bagay at isa na dito ang pilit na pagkahilig ng mga tao sa libro para lang sa "matalino effect."


May mga taong pilit na pinapalaman at hinuhumaling ang sarili sa Nutella dahil ito nga daw ang uso at pinakasikat na palaman. Minsan pa nga, wala ng pinagkaiba ang Nutella sa kape ng Starbucks. Alam mo na, picture dito, picture duon with the special participation of Nutella. Hindi magkamayaw ang mga tao sa pagsasabi ng "I have my Nutelle here" kahit na kitang kita naman sa mukha na natatae na sya dahil sa kakalapang ng Nutella.

Ganito kung paano tumakbo ang mundo ng mga tao. Walang sisihan. Walang pakialaman. Kanya kanyang trip nga daw. Walang basagan. Sa henerasyon ngayon, bibihira nalang ang mga taong may kakayahang panindigan kung ano yung tunay nilang nakasanayan at yung mga taong tunay na gumagawa ng uso. Siguro nga kailangan ng taong makibagay sa kung anong uso at meron ngayon para hindi ka mapag-iwanan. Pero, paminsan minsan hindi masamang umiba sa karamihan basta dapat ang tatandaan mo lang eh dun ka lumugar sa pwestong alam mong kayang mong panindigan at pangatawanan.

Monday, June 27, 2011

Baliw Tanaw.

Nakakatuwang balikan ang lahat ng bagay na isinulat ko dito. Hindi ko akalain na may pagkajejemon din pala ako dati. Ang daming kolerete ng bawat post ko. Bawat stanza eh iba iba ng kulay na wari'y mga banderitas sa isang makulay na piyestahan. Yung iba pa nga eh sinasamahan ko ng mga larawan na aangkop sa kung ano ang nilalaman ng akda ko. Hindi kasi uso dito ang mga animated images o yung mga ~*gif*~

Simple lang ang buhay dito sa blogspot. Kumbaga sa mapa, para kang nasa probinsya dito. Tahimik, maaliwalas ang  paligid, malamig ang simoy ng hangin, at malayo sa kabihasnan. Hindi uso dito ang mga typography, hater, promotion, reblog, online check, v-log, audio greetings, check blog, one liner at lahat ng iba pang kacheapan na galing sa kabilang baryo.

Walang lider lider dito. Walang famous. Walang royalties. Lahat dito walang pakialam sa followers, literal, dahil lahat ng tao dito nagbabasa at nagsusulat lang ng mga naisin nila. Okay lang dito kung walang tugtog sa bahay mo. Okay lang din kung walang spycamera na nagmomonitor kung sino-sino ang mga bumibisita sa bahay mo. Malayang kang nakakagalaw dito. Walang pupuna sa bawat pagkakamali mo. Walang nagmamarunong sa kung tama o mali ba ang grammar mo. Wala ring mag-aaksaya ng oras sayo dito na itama ang spelling mo. Dito hinahayaan kang matuto sa bawat pagkakamali mo. Dito sinasanay kang mabuhay at umunlad ng mag-isa bilang isang manunulat. Walang sino-sino na naghahari-harian dito.

Para sa pansarili kong opinyon, malaki ang pagkakaiba nito dun sa Maynila na sinubukan kong tirhan. Duon kasi, masyadong ng malaki ang populasyon, mausok, mabaho, madumi, maputik. Mahirap ang buhay dun. Isang kahig, isang tuka. Buti pa dito kahit papaano nakakaraos ang lahat ng tao. Magulo din ang buhay sa Maynila, sa bawat kanto may gulo, maski sa sarili mong bahay hindi ka ligtas. Titirahin ka ng mga tao dun sa kahit anong anggulo mo. Paharap, patalikod, patagilid at kung ano-ano pa. Parang Battle Royale ang eksena duon. Kailangan mong pumatay para mabuhay ka.

Sa kabilang banda, hindi ko rin naman maiwan ang bahay ko sa Maynila. Kahit mahirap, magulo, maingay eh aminado naman akong mas madami akong kapitbahay duon. Marami akong nakakaututang dila, yun nga lang mahirap kumilatis ng dila duon. Dito malayang akong nakakapaglakad lakad kahit gabi, malaya kong nailalabas ang mga gadgets ko ng walang pangambang ito'y mawawala sa aking mga kamay. Dito pwede kong iwang bukas ang aking bahay, pwede kong iwanang nakakalat ang mga pera ko sa kalsada. Dito ligtas. Dito payapa. Dito walang magtatangkang yumurak sa pagkatao mo.

Pero tulad ng bawat isla, lahat nadidiskubre. Lahat dinadayo. Lahat binabago. Sabi nila sa Maynila, tahimik daw duon dati hanggang sa dumugin na sila ng mga turista na hindi kayang magligpit ng sarili nilang kalat. Nakakalungkot na nakakatuwa dahil ang una kong naging baryo at tahanan naman ang dinadayo ng mga turista galing sa Maynila. Kumbaga mula sa pagiging virgin island eh magiging isa na itong tanyang na tourist spot. Sana lang, may disiplina ang lahat ng taong bibisita o magtatangkang dito na permanenteng manirahan o kahit na yung mga turistang nagbabalak lang magtayo ng isang rest house dito.

Sana matutunan nilang galangin ang mga kilos ng tao dito -- ang kultura, ang pamamalakad at ang buhay. Sana yakapin nila kung ano man ang meron dito at huwag ng baguhin pa. Sana hindi ito matulad sa Boracay na unti-unting nasisira dahil sa mga basurang kinakalat.