Monday, June 27, 2011

Baliw Tanaw.

Nakakatuwang balikan ang lahat ng bagay na isinulat ko dito. Hindi ko akalain na may pagkajejemon din pala ako dati. Ang daming kolerete ng bawat post ko. Bawat stanza eh iba iba ng kulay na wari'y mga banderitas sa isang makulay na piyestahan. Yung iba pa nga eh sinasamahan ko ng mga larawan na aangkop sa kung ano ang nilalaman ng akda ko. Hindi kasi uso dito ang mga animated images o yung mga ~*gif*~

Simple lang ang buhay dito sa blogspot. Kumbaga sa mapa, para kang nasa probinsya dito. Tahimik, maaliwalas ang  paligid, malamig ang simoy ng hangin, at malayo sa kabihasnan. Hindi uso dito ang mga typography, hater, promotion, reblog, online check, v-log, audio greetings, check blog, one liner at lahat ng iba pang kacheapan na galing sa kabilang baryo.

Walang lider lider dito. Walang famous. Walang royalties. Lahat dito walang pakialam sa followers, literal, dahil lahat ng tao dito nagbabasa at nagsusulat lang ng mga naisin nila. Okay lang dito kung walang tugtog sa bahay mo. Okay lang din kung walang spycamera na nagmomonitor kung sino-sino ang mga bumibisita sa bahay mo. Malayang kang nakakagalaw dito. Walang pupuna sa bawat pagkakamali mo. Walang nagmamarunong sa kung tama o mali ba ang grammar mo. Wala ring mag-aaksaya ng oras sayo dito na itama ang spelling mo. Dito hinahayaan kang matuto sa bawat pagkakamali mo. Dito sinasanay kang mabuhay at umunlad ng mag-isa bilang isang manunulat. Walang sino-sino na naghahari-harian dito.

Para sa pansarili kong opinyon, malaki ang pagkakaiba nito dun sa Maynila na sinubukan kong tirhan. Duon kasi, masyadong ng malaki ang populasyon, mausok, mabaho, madumi, maputik. Mahirap ang buhay dun. Isang kahig, isang tuka. Buti pa dito kahit papaano nakakaraos ang lahat ng tao. Magulo din ang buhay sa Maynila, sa bawat kanto may gulo, maski sa sarili mong bahay hindi ka ligtas. Titirahin ka ng mga tao dun sa kahit anong anggulo mo. Paharap, patalikod, patagilid at kung ano-ano pa. Parang Battle Royale ang eksena duon. Kailangan mong pumatay para mabuhay ka.

Sa kabilang banda, hindi ko rin naman maiwan ang bahay ko sa Maynila. Kahit mahirap, magulo, maingay eh aminado naman akong mas madami akong kapitbahay duon. Marami akong nakakaututang dila, yun nga lang mahirap kumilatis ng dila duon. Dito malayang akong nakakapaglakad lakad kahit gabi, malaya kong nailalabas ang mga gadgets ko ng walang pangambang ito'y mawawala sa aking mga kamay. Dito pwede kong iwang bukas ang aking bahay, pwede kong iwanang nakakalat ang mga pera ko sa kalsada. Dito ligtas. Dito payapa. Dito walang magtatangkang yumurak sa pagkatao mo.

Pero tulad ng bawat isla, lahat nadidiskubre. Lahat dinadayo. Lahat binabago. Sabi nila sa Maynila, tahimik daw duon dati hanggang sa dumugin na sila ng mga turista na hindi kayang magligpit ng sarili nilang kalat. Nakakalungkot na nakakatuwa dahil ang una kong naging baryo at tahanan naman ang dinadayo ng mga turista galing sa Maynila. Kumbaga mula sa pagiging virgin island eh magiging isa na itong tanyang na tourist spot. Sana lang, may disiplina ang lahat ng taong bibisita o magtatangkang dito na permanenteng manirahan o kahit na yung mga turistang nagbabalak lang magtayo ng isang rest house dito.

Sana matutunan nilang galangin ang mga kilos ng tao dito -- ang kultura, ang pamamalakad at ang buhay. Sana yakapin nila kung ano man ang meron dito at huwag ng baguhin pa. Sana hindi ito matulad sa Boracay na unti-unting nasisira dahil sa mga basurang kinakalat.

No comments:

Post a Comment