Monday, September 26, 2011

Mga Kwentong Walang Saplot.


Agosto 7, 1995

Para Sayo.

Interior.

Pagod na pagod pa rin ako dahil kahapon. Kaarawan ko kasi. At hanggang ngayon, hindi ko pa rin maisip kung bakit nakalimutan ko kahapon na kaarawan ko pala. Disesais na ako. At ito na ata ang edad na gusto ko maging habambuhay. Hindi ko alam, pero para kasing fresh na fresh ako sa edad na disesais. Murang mura. Virgin.

Laging blessing ang kaarawan ko dahil lagi namang umuulan kapag Agosto. Hindi pa nga ata lumipas ang kaarawan ko na hindi umuulan. Minsan nga kahit anong alay ko ng itlog, umuulan pa rin. Kulang nalang nga eh pati itlog ko, ialay ko para lang makaranas ako ng kaarawang tuyo. Pero dahil dito, naisip ko, bakit nga kaya itlog ang kailangan ialay para hindi umulan? Ano ang kaugnayan ng itlog sa takbo ng kalikasan? Sa ulan? Sa sirkulo? Bakit hindi nalang keyk? kanin? puto? bigas? barya? o kung ano ano pa? Bakit kailangan itlog pa?

Sa kabilang banda, umulan man o umaraw, hindi talaga pwedeng hindi maidaos ng mga tao ang kanilang kaarawan, gaya ko. Aba natural, minsan lang sa isang taon kung sasapit ang kaarawan eh. At tsaka, parang pasasalamat na din yun dahil buhay ka pa rin.

Speaking of pasasalamat, hindi ko alam kung dapat ba akong magpasalamat sa mga taong nagpunta sa kaarawan ko. Siguro oo kasi naging masaya naman ako. Dahil nag-abala pa sila ng oras para sa akin. Sa akin nga ba o sa mga handa ko? Pero sa kahit ano pa mang kadahilanan, salamat nalang sa
kanila.

Nakaugalian ko na sa tuwing sasapit ang kaarawan ko ang gumawa ng wishlist. Ito yung album kung saan ilalagay mo yung mga bagay na gusto mong matanggap sa kaarawan mo. Kahit ano pwede mong ilagay dito. Mahal man o mura. Makatotohanan man o hindi. Ilan sa mga inilagay ko dito ay:

1. Libro - Lalo na yung mga paborito kong libro gaya ng Norwegian Wood, The Catcher in the Rye, Looking for Alaska, Paper Towns at kung ano ano pa.

2. Bag   - Gusto ko lang ng bagong bag dahil luma na masyado ang ginagamit ko.

3. Plaid -  Kahit anong klaseng plaids pasok sa akin tutal paborito ko naman sila.

4. Denim - Partikular sa jacket. Masyado na kasing maulan ngayon kaya gusto magkaroon ng makapal jacket.

5. Boots - Dahil mas maganda itong gamitin kapag umuulan. Mas matibay at hindi sumusuko sa ulan.

6. Tabs  - Ito yung mga tablets. Okay na nga rin sa akin yung Kindle o kaya naman yung Graphic Tablet. Kaso mukhang imposibleng may magbibigay sa akin nito. Pero malay mo, hindi natin masasabi.

7. Relo  - Kahit anong relo basta kulay dilaw pasok na pasok sa akin.

Alam kong masyadong maluho yung iba pero wala namang masama, eh. Kaarawan ko naman yun. Kahit man lang sa araw na yun eh sumaya ako. Alam kong sabi nila na hindi daw mabibili ng pera ang tunay na kasiyahan pero ang mga bagay na ito ay malapit na din sa kasiyahang hinahanap ko kaya umaasa ako.

At yun pala yung masakit. Na kahit saan aspeto mo ilagay, masakit ang umasa. Wala akong natanggap na kahit ano sa kaarawan ko. Alam kong hindi sapat na dahilan yun para maging malungkot ako. Alam kong lagpas pa dun ang kahulugan ng kasiyahan. Lagpas pa sa pansarili kong kagustuhan. Lagpas pa sa makamundo kong pagnanasa. Lagpas pa salitang kasiyahan.

Pero bakit ganun? Kahit anong pilit ko sa sariling makuntento ay hindi ko magawa. Alam mo yun, yung sadyang may mga bagay na hindi mo pwedeng paghiwalayin. Mangga at Bagoong. Kutsara at Tinidor. Puto at Kutsinta. At ang kaarawan ay hindi matatawag na kaarawan kung walang regalo.

Sumulat,

Marx.

No comments:

Post a Comment